DAGUPAN CITY — “Kailangan ng government intervention.”

Ito ang binigyang-diin ni Migrante International Chairperson Joanna Concepcion sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan sa pagiging reactive ng mga kinauukulang ahensya na may mandato sa pangangalaga ng karapatan ng mga Overseas Filipino Workers sa gitna ng mga naitatalang kaso ng pang-aabuso sa mga ito matapos ang sinapit na kapalaran ni Jullebee Ranara.

--Ads--

Saad ni Concepcion na hindi na kinakailangan pang lumayo sa mga konkretong karanasan ng pagpapabaya sa kapakanan ng mga OFWs sapagkat marami ng nagre-report ng mga paglabag sa kanilang mga karapatan sa mga konsulado, embahada, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Aniya na taon-taon na napakaraming naiuulat na kapabayaan at kakulangan sa pagbibigay sa kanila ng suporta at tulong, subalit sa kabila nito ay naglabas lamang ang Department of Migrant Workers sa pamumuno ni Secretary Susan ‘Toots’ Ople ng babala sa mga recruitment agencies na dapat bantayan at i-monitor ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers na idine-deploy nila sa labas ng Pilipinas.

Dagdag ni Concepcion na lumalabas dito na ang Department of Migrant Workers ay ipinapasa sa mga recruitment agencies ang pangunahing responsibilidad sa pagmomonitor ng kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa ibang bansa. Subalit sa matagal na panahon, ay mga recruitment agencies pa ang nagsasabi sa mga OFWs na tiisin na lang muna ang kalagayan na mas lalo namang hind nakakatulong sa kalagayan na nararanasan ng mga OFWs.

Kaya naman ani Concepcion na kinakailangan ng gobyerno na palakasin ang regulation ng mga recruitment agencies patungkol sa usaping ito nang sa gayon ay hindi lamang maparusahan ang mga lumalabag sa batas subalit para na rin mapabilis ang proseso ng pagkamit ng mga Overseas Filipino Workers ng hustisya.

Kaugnay nito ay inihayag din ni Concepcion na isa sa matagal ng problema ang mahina na pagpapanagot sa mga recuitment agencies na nasasangkot sa mga paglabag sa mga patakaran at batas na pumo-protekta sa karapatan ng mga Overseas Filipino Workers.

Saad nito na marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga Overseas Filipino Workers hinggil sa paglabag ng ilang mga recruitment agencies sa ilang mga batas, at bagamat nakakapag-hain sila ng pormal na reklamo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang ma-suspinde o maipasara ang mga nabanggit na recruitment agencies ay nakakalusot pa rin ang mag ito at nakakapagbukas ng panibagong opisina gamit ang ibang pangalan.

TINIG NI JOANNA CONCEPCION

Kaugnay pa nito ay itinuturing naman na magandang development ang pagkahuli sa 17-anyos na suspek sa pagpatay kay Jullebee Ranara, subalit binigyang-diin pa rin ni Concepcion na hindi dapat magtapos ang kaso ng nasawi na OFW dito, bagkus dapat patuloy pa rin itong bantayan hanggang sa mapatawan ito ng parusa at dapat ding masiguro na binabantayan hindi lamang ang kaso ni Ranara subalit gayon na rin ang marami pang Overseas Filipino Workers na nakakaranas ng pang-aabuso at pagmamalupit.

Gayunpaman, iginiit ni Concepcion na ang hustisya para sa kaso ni Ranara ay kinakailangang imbestigahan at dapat na makapaglabas ng sariling mbestigasyon ang mga mambabatas at opisyal ng Department of Migrant Workers upang malaman kung mayroon bang nagkulang sa mga kinauukulan ng Pilipinas o kung mayroon bang nilapitan na ahensya o tulong si Ranara sa paglutas sa kanyang kaso.