Ipinangako ni Governor Ramon Guico III na kanilang iimbestigahan ang naglalabasang ulat patungkol sa naging kapabayaan ng Bureau of Fire Protection sa bayan ng Pozorrubio sa pagresponde sa isang sunog na nagresulta sa pagkakasawi ng isang buong pamilya.
Ayon sa gobernador na batid nito ang mga kasalukuyang reaksyon ng publiko kaugnay sa naging tugon ng BFP Pozorrubio kabilang na rito kung bakit nahuli sila sa pagapula sa naturang sunog at nauna pa ang dalawang kalapit na mga bayan para ito ay marespondehan.
Gayundin ang umano’y kawalan ng tubig ng kanilang fire truck at ang pagkalulong umano sa alak ng mga tauhan ng naturang ahensya kung kaya naman ay hindi sila agad na nakapagtungo sa naturang insidente.
Aniya na agad na umano nitong tinawagan ang alkalde ng naturang bayan para ito ay agad na maaaksyunan lalo na’t kung mapapatunayan nga ang mga alegasyong ipinupukol laban sa BFP Pozorrubio ay maituturing itong isang criminal act.
Dagdag pa nito na sa susunod na linggo ay kanilang tutukan ang kaso upang mabigyan din aniya ng hustisya ang pagkakasawi ng naturang pamilya.