Nagpasalamat si Pangasinan Governor Ramon V. Guico III kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Department of Agriculture sa patuloy na suporta sa pagpapatupad ng programang “Benteng Bigas, Meron Na,” na layong magbigay ng abot-kayang bigas sa mga pamilyang Pangasinense.

Kasabay nito, inihayag ng Pamahalaang Panlalawigan na kinakailangang magsumite ng National ID ang mga benepisyaryo ng ₱20 Rice Program upang masiguro ang maayos, patas, at organisadong pamamahagi ng tulong.

Ayon kay Gov. Guico, mahalaga ang National ID bilang pangunahing batayan upang matiyak na ang subsidized na bigas ay napupunta lamang sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

--Ads--

Dagdag pa ng gobernador, aktibong inilalapit ng pamahalaang panlalawigan ang serbisyo ng Philippine Statistics Authority o PSA sa mga Pangasinense na wala pang National ID.

Bilang tugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, sinabi ni Gov. Guico na sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang transportasyon ng mga residente patungo sa mga lugar kung saan sila maaaring makapagparehistro at makakuha ng kanilang National ID.

Aniya, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na programa ng lokal na pamahalaan upang mapabuti ang serbisyo publiko at matiyak na ang tulong ng gobyerno ay napupunta sa tamang mamamayan.

Matatandaang opisyal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, Department of Agriculture, Food Terminal Inc., at National Food Authority, sa pangunguna nina Gov. Guico at DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., para sa mas pinalakas na implementasyon ng programang “Benteng Bigas, Meron Na” sa lalawigan.

Layunin ng programa na makapagbigay ng sapat at abot-kayang pagkain sa bawat pamilyang Pangasinense, habang tinitiyak naman ang patas at makatarungang kita para sa mga lokal na magsasaka.