Patuloy na pinagiingat ng embahada ng Pilipinas ang mga Pilipinong naninirahan sa Israel kasunod ng pagkakatala ng kaso ng pamamaril ng isang lalaking Palestinian sa isang bar sa Tel Aviv.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Luzvilla Dorato na nasa tatlong katao na ang nasawi habang may mga ilang kataong dinala sa hospital dahil sa kritikal na kondisyon dahil sa naturang insidente.
Aniya ang hinihinalang gunman ay napatay din ng mga awtoridad malapit sa isang mosque sa Jaffa matapos ang naging manhunt operation.
Kung kaya’t patuloy ang pagpapaalala sa kanila ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa na magiingat sa pagtungo sa mga matataong lugar lalong lalo na’t magsisimula ng iginunita ang Semana Santa na magreresulta sa pagdagsa ng mga tao.
Matatandaang naganap ang insidente noong Huwebes ng gabi sa isang downtown area kung saan napuno ng mga tao at bar restaurant kaya’t dalawang tao ang agad na namatay at mahigit 10 katao ang nasugatan matapos maganap ang pamamaril.
Sa ngayon ay nanatiling mataas ang tensyon ng Israeli-Palestinian matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng mga Palestinian assailants na ikinamatay ng 11 katao bago ang banal na buwan ng Ramadan ng Islam, na nagsimula halos isang linggo na ang nakalipas.