DAGUPAN CITY – Dapat ay makipagtulungan ang gobyerno ng bansa sa International Criminal Court (ICC) para matukoy kung sino ang responsable sa maraming patayan sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Sonny Matula, Presidente ng Federation of Free Workers kung wala pang pending na kaso sa bansa ay maaaring makipagtulungan sa ICC upang mabigyan ng pagkakataon lalo na ang mga kaanak ng mga biktima na marinig ang kanilang mga hinaing.
Bukod dito ay makatutulong din ito upang malaman kung mayroon talagang crime against humanity.
Sa tala ay nasa 6,000 katao ang nasawi sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte habang ang taya naman ng Human Rights Organization ay nasa higit 30,000.
Saad niya na dapat ay mabigyan ng katarungan ang mga namatay lalo na ang mga inosente na nadamay lamang.
Bagamat ay boluntrayo namang pumayag ang dating pangulo na siya ay papailalim sa imbestigasyon ay maaari ng simulan ang pagsampa ng kaso.
Dahil sa mga nangyaring pagdinig ay inamin mismo nito na siya ang pumapatay gayundin ang paghikayat sa mga alleged criminals na gumawa ng dahas o manlaban upang mapatay.
Giit pa niya na ang mga imbestigasyon na isinasagawa sa bansa ay hindi naman salungat sa ICC kaya’t makatutulong ito aniya para mauncover ang mga patayan na hindi pa naiimbestigahan at upang managot ang responsable ukol dito.