Dagupan City – Pumasa ang Goat and Cattle Dairy Farm ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. at ang Managos Farmers Agriculture Cooperative (MFAC) sa isang mahigpit na on-site validation ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute-Regional Training Center 1 (DA-ATI-RTC 1) at opisyal nang kinilala bilang mga Learning Sites for Agriculture 1 (LSA 1).
Ang validation, na isinagawa sa bayan ng Bayambang ay naglalayong tiyakin na ang mga nasabing organisasyon ay nakakatugon sa mga dokumentaryo at pasilidad na kinakailangan upang makamtan ang pagiging certified at accredited LSA 1.
Ipinagmamalaki ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. ang kanilang Goat and Cattle Dairy Farm na nagpapakita ng mga makabago at advanced na teknolohiya sa pagpaparami ng kambing at baka.
Isa na rito ang paggamit ng sexed semen artificial insemination (AI) na nagresulta sa isang impressive na 90% female calf production rate, isang mahalagang hakbang patungo sa sustainable cattle farming.
Samantalang ang MFAC naman, ay nagpakita ng kanilang mga inobatibong pamamaraan sa pagtatanim ng mani, mais, palay, at gulay, at umaasa sila na madadala ang komunidad sa mas mataas na antas ng produksyon, partikular na sa pili nut, na nakikita nilang may potensyal bilang isang kumikitang negosyo.
Layunin ng parehong organisasyon na magsilbing modelo at learning hub sa kanilang mga kapwa magsasaka at mga nag-aaral ng agrikultura, kaya naman bukas sila sa pagbabahagi ng kanilang mga natutunan at mga pinakaepektibong gawi at teknolohiya upang mapalaganap ang sustainable na pagsasaka.