Mariing itinanggi nina Senador Christopher “Bong” Go at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagkakadawit ng kabilang pangalan sa dokumentong inilabas ng International Criminal Court (ICC) bilang umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.

Sa inilabas na statement ni Sen. Go nitong weekend, tinawag niya ang mga akusasyon bilang walang basehan, one-sided, at hindi sumasalamin sa kanyang tunay na tungkulin bilang Special Assistant to the President mula 2016 hanggang 2018 at Executive Assistant ng Alkalde ng Davao City mula 1998 hanggang 2016.

Binigyang-diin ng senador na wala siyang anumang partisipasyon, kaalaman, o awtoridad sa mga sinasabing paglabag, at itinanggi rin niyang naging Chief of the Presidential Management Staff siya.

--Ads--

Iginiit ni Go na mananatili siyang nakatuon sa kanyang tungkulin bilang senador at sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino sa kabila ng aniya’y mga walang basehang akusasyon.

Itinanggi rin ni dating Justice Secretary Aguirre ang anumang partisipasyon sa umano’y extrajudicial killings kaugnay ng kampanya kontra iligal na droga ng dating Pangulo

Paliwanag ni Aguirre na hindi niya sinuportahan at wala siyang kaalaman sa sinasabing mga pagpatay.

Aniya, nalaman lamang niya noong Setyembre 2025 na kasama ang kanyang pangalan sa Document Containing Charges na isinumite ng prosekusyon noong Pebrero 13, ngunit aniya’y wala siyang dapat ikatakot at handa siyang harapin ang anumang kaso.

Iginiit din ni Aguirre na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas matapos ang pag-atras ng bansa sa Rome Statute noong 2019.

Dagdag niya, noong siya’y pribadong abogado pa ni dating Pangulong Duterte sa Davao, hindi pa miyembro ng ICC ang Pilipinas kaya’t hindi siya maaaring usigin kung mayroon man siyang nagawang paglabag.

Bilang Justice Secretary mula 2016 hanggang 2018, sinabi niyang ginampanan lamang niya ang kanyang tungkulin.

Binigyang-diin din niya ang kanyang naging papel sa pagaayos ng pagpupulong sa pagitan nga dating Pangulo at ng mga pamilya ng mga biktimang sina Kian Delos Santos, Carlo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman, na nagresulta umano sa pagsasampa ng kaso at pagkakakulong ng mga pulis na sangkot.

Bukod kina Go at Aguirre, pinangalanan din bilang mga umano’y co-perpetrators si Senador Ronald dela Rosa at iba pang dating matataas na opisyal at PNP officials ng nakaraang administrasyon.