DAGUPAN CITY- Naganap ang isang masigla at makabuluhang selebrasyon sa Tayug National High School para sa Girl Scout Week at Scouting Month Celebration 2024.

Layunin ng aktibidad na palawigin ang diwa ng paglilingkod, pagkakaisa, at disiplina sa mga kabataang Girl Scouts.

Dinaluhan ito ng mahahalagang personalidad sa Tayug, kung saan pinangunahan ni Congresswoman Marlyn Primicias, Mayor Tyrone Agabas, Vice Mayor Lorna Primicias, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan kasama din ang mga Sangguniang Kabataan.

--Ads--

Nagpakita rin ng suporta ang mga lider ng edukasyon at Girl Scouts of the Philippines (GSP).

Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng scouting sa paghubog ng mga kabataan na maging responsableng mamamayan, makabayan, at mapagmalasakit sa komunidad.

Nagtampok din ito ng iba’t ibang aktibidad tulad ng seremonyang pagtataas ng watawat, panunumpa ng katapatan sa Girl Scouts of the Philippines, at mga nakakaaliw na cultural performances.

Ipinakita sa kaganapan ang mga presentasyon ng mga talento at pagkamalikhain ng mga batang kalahok.

Patunay ang tagumpay ng selebrasyon sa dedikasyon at pagsisikap ng mga Girl Scouts, kanilang mga tagapayo, at mga lider ng komunidad sa pagpapaunlad ng mga kabataan.

Inaasahan na ang inspirasyon at mga aral na natutunan sa okasyon ay magiging gabay sa mga kabataan sa kanilang paglaki at paglilingkod sa bayan.