Dagupan City – Kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng inciting to sedition at unlawful utterance matapos ang kanyang kontrobersyal na pahayag na tila may banta ng “pagpatay” laban sa mga incumbent senators’ para makaupo ang kaniyang mga kapartido sa senado.

Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, isang legal at political consultant, sana ay maging mas maingat si Duterte sa kanyang mga pahayag, kahit wala na siya sa posisyon.

Nakakabahala kasi aniya ang naging pahayag nito dahil paano na lamang ang mga kabataan na hindi makapag-interpret ng tama sa mga ganoong salita? Dagdag pa niya, kahit pa sabihing biro ito, maaari pa rin itong magdulot ng away at kaguluhan dahil may kasabihan nga na “jokes are half-meant.”

--Ads--

Paliwanag pa ni Abril, malaki ang epekto ng ganitong mga pahayag sa tiwala ng publiko sa pamahalaan. Kung ang magiging alas naman nila ay ang Freedom of speech, sinabi ni Abril na walang absolute freedom of speech, lalo na kung ito ay nagiging banta sa seguridad ng bansa.

Samantala, hinggil naman sa naging pahayag ni Senador Chiz Escudero, sinabing hindi dapat gawing biro ang mga pahayag nito dahil nagdudulot umano ito ng takot o pangamba. Umaasa si Abril na naging mas maingat sana ang tugon ni Escudero dahil nakakapangamba ang ganitong klaseng pahayag mula sa isang dating pinuno ng bansa.

Bukod dito, tinukoy ni Abril na isa sa mga ugat ng problema ay ang immaturity ng mga botante sa bansa, na mas pinapaboran ang loyalty, dynasty, at personality kaysa sa plataporma at mga konkretong solusyon sa mga tunay na isyu ng bayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong isinampa laban kay Duterte habang hinihintay ang magiging hakbang ng korte kaugnay ng mga akusasyong ito.