Dagupan City – Inalala ng isang Constitutional Law expert sa Pangasinan ang naging mahalagang papel ni yumaong dating House Speaker Jose de Venecia Jr. (JDV) sa muling pagbangon ng Dagupan City matapos ang mapaminsalang lindol na tumama sa Luzon noong 1990.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, ang naging epekto ng magnitude 7.7 na lindol noong Hulyo 16, 1990, na nagdulot ng matinding pinsala sa Dagupan City at iba pang bahagi ng Central at Northern Luzon na naging sanhi ng paglubog at pagkasira ng maraming gusali at kabahayan.

Sa kabila ng pangamba noon ng ilan na huwag nang mag-invest at muling itayo ang lungsod dahil sa panganib at paglubog ng lungsod, pinili umano ni De Venecia na suportahan ang rehabilitasyon at redevelopment ng Dagupan.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Cera na sa buong buhay niya bilang isang public servant mula pa noong 1987 ay suportado nito si De Venecia at naging malapit umano siya rito sa iba’t ibang gawain sa serbisyo publiko.

Aniya, naging gabay at katuwang niya si JDV hindi lamang sa larangan ng batas kundi maging sa iba pa niyang karanasan sa trabaho.

Pagsasalaysay pa nito ay hindi kailanman nagsabi ng ‘no’ si JDV sa mga humihingi ng tulong sa kaniya. L

Sa katunayan ani Cera laging naghahanap ng paraan si JDV upang makahanap ng sagot o agarang pagtugon.

Dagdag pa niya, marami ang nagpapasalamat sa dating Speaker hindi lamang sa Pangasinan kundi sa buong bansa dahil sa patuloy nitong pagtulong at malasakit sa mga mamamayan.

Binigyang-diin din ni Cera ang mga proyektong naipatupad sa panahon ni De Venecia bilang Speaker ng House of Representatives, isang posisyong ilang ulit niyang hinawakan mula 1992 hanggang 2008.

Kabilang dito ang pagpapalakas ng imprastraktura gaya ng farm-to-market roads, partikular sa bayan ng Mangaldan, na nagbigay-daan umano sa mas maayos na transportasyon ng mga produktong agrikultural at pag-unlad ng lokal na ekonomiya.

Mayroon ding mga pangunahing kalsada sa lalawigan na napalawak at naitayo sa ilalim ng kanyang liderato.