Mali umano ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na umeksena sa pagitan ng Senado at ng Kapulungan kaugnay sa usaping People’s Initiative.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, nakakalito na ang mga kaganapan dahil kung matatandaan, nag-anunsyo si Senate President Miguel Zubiri na binigyan na umano siya ng go signal ni Pangulong Marcos at ang senado na ang mangunguna sa Charter Change.

Ito ang dahilan kung bakit nabuo ang tinatawag na resolution of both houses no. 6 kung saan tatlong proposals lang ang pag-uusapan ng Kongreso bilang isang constituent assembly.

--Ads--

Maging si House Speaker Martin Romualdez aniya ay on board sa ideya na iyon at lumalabas na tila nag-uusap na silang tatlo kung ano ang gagawin.

Parehong nagpahayag na hindi pabor ang Pangulo, si Zubiri at si Romualdez sa People’s initiative ngunit parang lumalabas aniya na nais din ito ni Romualdez dahil nanggagaling sa iba nitong kasamahan sa Mababang kapulungan kung saan sila ang nagtutulak ng nasabing insiyatibo sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Dito na nagkaroon ng reaksyon ang senado at umusbong ang hindi pagkakaunawaan, na siyang nagtulak sa Pangulo upang mamagitan sa dalawang kapulungan.

Hindi aniya tama na umeksena ang pangulo dahil lalabag ito sa Principle of Separation of Powers na nakalagay sa Saligang batas dahil ang problema na ito ay problema ng kongreso at wala dapat aniyang pakialam ang Pangulo dito.