Dagupan City – Maituturing na retaliation ang ginawang pag-aresto sa 3 Filipino ng mga otoridad sa China.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst, hindi na aniya ito maalis bilang motibo dahil na rin sa ipinapakita ng China.

Batay kasi sa ulat ng Chinese state media, nagsagawa umano ng imbestigasyon ang mga otoridad sa China at natuklasan na matagal nang nagsasagawa ng information gathering ang Philippine intelligence agencies. Kung saan hinihinalang nakatuon umano ang operasyon nito sa mga deployment ng militar sa China.

--Ads--

Ani Yusingco, malabong gawin ito ng Pilipinas dahil kung titingnan ay wala naman intensyon ang bansa na makipag-giyera sa China at malabo ring magkaroon ito ng masamang balak.

Kung ikukumpara kasi aniya ang China sa Pilipinas, mas sila pa ang mayroong masamang balak at adhikain na kunin ang bawa’t ari-arian ng bansa. Gaya na lamang ng ginagawa nilang pagpapakalat ng maling impormasyon o disinformation. At ang mga iba pang naaresto sa Pilipinas na mga Chinese Spy.

Dito na idiniin ni Yusingco na ang ginawang pag-aresto sa 3 kababayan ay walang matibay na ebidensyang sila nga ay espiya. Dahil aniya, nandoon ang mga ito dahil sa scholarship na natanggap sa bansa.

Iisa naman aniya ang malinaw sa nangyayari at ito ay ang hangarin ng Beijing na maging mahina ang bansang Pilipinas para sumuko na lamang sa kanila.

Kung patuloy na ganito naman ang mangyayari, ani Yusingco na mahihirapan ang Pilipinas sa pagtugon na daanin ito sa mapayapang paraan.