Dagupan City – Maaaring gamitin ng mga Senador ang ‘Immunity from Suit’ bilang paraan sa pag amin at pagbulgar sa mga nalalalaman ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa usapin sa illegal Philippines Offshore Gaming Operator o POGO sa isinasagawang pagdinig ng Senado.
Ito ang nakikitang paraan ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional lawyer sa Pangasinan hinggil sa patuloy na pagsisinungaling at hindi pagsagot ni Guo sa mga katanungan ng mga senador.
Binigyaang diin pa nito ang karapatan ni Guo hinggil sa right against self incrimination dahil kapag nagsalita ito ay maaaring magamit ang testimonya niya sa mga kinakaharap na kaso.
Ayon kay Cera, kung nais ng mga senador na makakuha ng impormasyon kung sino sino ang mga nasa likod ng ilegal na POGO hub sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, kailangan na i-offer sa dating mayor ang immunity from suit.
Matatandaan na ipinakita sa pagdinig sa Senado kahapon ni Alice Guo ang hindi pagsagot sa mga senador matapos tanungin sa mga isyu na ipinupukol sa kanya gaya na lamang ng pagkompirma na si Gua Hua Ping at Alice Guo ay iisa, ang pagtakas nito sa bansa at illegal POGO.