Labis ang pasasalamat at kasiyahan ni nanay Divina Estrada nang ito ay ma-rescue at naiuwi na sa kanilang bayan sa Lingayen matapos mawalay sa pamilya ng 15-taon .
Ayon sa anak nito na si Mejica Estrada, napag-alamang ito ay sapilitang pinaglilimos sa Maynila kahit bulag na ang isang mata at tanging aninag na lamang ng liwanag ang nakikita sa kabila nitong mata, sinasaktan kapag walang naiuuwing pera at pinapakain pa umano ng panis na pagkain.
Sa paglalahad pa ng kaniyang anak, nawalan sila ng ugnayan o contact sa isat-isa ng mga panahon na iyon dahil wala umanong cellphone ang kaniyang ina makaraang ito ay sumunod sa Maynila nang ilipat sa Muntinlupa ang dati nitong partner na preso noon sa isa sa mga kulungan sa bayan ng Lingayen.
Hanggang sa mayroon na lamang umanong lumapit sa kaniya sa social media na nagsasabing nasa Muntinlupa umano ang kaniyang nanay.
Nais namang magsampa ng kaso ng kaniyang anak sa ginawang pang-aabuso sa kaniyang nanay at napag-alamang mayroon din umanong mga batang ginagamit ang mga ito sa sapilitan panlilimos.
Panawagan na lamang nito na sana ay matulungan silang mapagamot ang mga mata ng kaniyang nanay Divina at labis ding itong nagpapasalamat sa lokal na pamahalaan ng Lingayen sa agarang pagtugon sa paghingi niya ng tulong.
Samantala, nanatili si nanay Divina ngayon Municipal Isolation Facility ng naturang bayan.
Siniguro naman ni Lingayaen LDRRMO Assistant Kimpee Jayson Cruz ang kaligtasan ni nanay Divina sa kanilang isolation facility at na naibibigay sa kaniya ang kaniyang mga pangangailangan.
Nangako naman ang Muntinlupa Police na iimbestigahan ang nasa likod ng sinapit ng ginang
.