Proud bagamat hindi pa rin makapaniwala ang mga kaanak ni Mariz Songcuan na kinoronahan bilang 2019 Mrs. Philippines Globe na tubong San Fabian Pangasinan matapos nitong talunin ang 24 na kandidatang lumahok sa prestihiyosong beauty pageant na ginanap sa Marquis Events Place, BGC Taguig.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jomar Songcuan na kapatid ni Maris, nasorpresa sila nang malaman na nanalo ang kaniyang kapatid dahil hindi alam ng kanilang pamilya ang pagsali nito sa nasabing patimpalak.
Dagdag pa aniya na kolehiyo pa lamang ay sumasali na ang kapatid sa mga beauty pageant ngunit first time aniya nitong sumali sa national pageant.
Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Mariz na lumaki sa bayan ng San Fabian. Mula sa pagiging sales executive, kinikilala na siya ngayong most beautiful mother in the Philippines matapos nitong masungkit ang korona.
Samantala, inaasahang babiyahe si Mariz sa susunod na buwan papuntang Shenzhen China para irepresenta ang bansa sa Mrs. Globe 2019 na gaganapin sa buwan ng Disyembre.