DAGUPAN CITY- Kinumpirma ng alkalde ng Dagupan City na may umiiral na ghost projects sa syudad.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez sa regular session ng Sangguniang Lungsod, sa loob ng 3 taon, problema na ng syudad ang mga ‘highly irregular projects’.
Aniya, umaabot ng P144, 859,212.05 ang halaga nito na hindi na nare-recover ng syudad.
Pinadalhan na rin ng kasulatan ang mga contractors subalit, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ito sinisimulan.
Nabanggit din niya ang dalawang nabayarang motor boats na hindi naman natanggap ng syudad at ito ay nagkakahalagang P999,750.
Ito umano ay inaprubahan at binayaran ng nakaraang administrasyon ni Brian Lim.
Bukod pa riyan, sa findings ng Commission on Audit (COA), higit P15 million naman ang kinasasangkutan sa mga unqualified scholars.
Giit niya, kakaupo pa lamang niya bilang alkalde ay marami na silang mga natatanggap na problema hinggil sa mga proyektong hindi inaayos ng mga contractor.
Ang mga contractor na ito ay dati na umanong kinukuhang contractor ng pamahalaang panlungsod.
Tiniyak naman ni Mayor Fernandez na papanagutin nila ang mga kontratista na sangkot sa mga maanumalyang proyekto.
Hinimok niya ang kaniyang kasamahan na busisiin ang mga ito at titiyaking hindi na mauulit ang ganitong uri ng trabaho.