DAGUPAN CITY- ‎Naalarma ang mga residente sa Barangay Dulag, Lingayen, matapos sumiklab ang sunog sa isang gasolinahan pasado alas-8 ng umaga nitong Sabado.

Sa kuhang video ng insidente, makikita ang mabilis na pagkalat ng apoy at makapal na usok mula sa lugar. Bagamat tila malaki ang sunog sa unang tingin, agad namang nakaresponde ang mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen.

‎Ayon sa imbestigasyon ng BFP, itinaas lamang ito sa unang alarma dahil agad na nakontrol ng mga responder ang apoy. Tumagal lamang ng 30 minuto bago tuluyang naapula ang apoy sa nasabing gasolinahan.

--Ads--

‎Maliban sa mismong istasyon ng gasolina, tinupok din ng apoy ang isang katabing tindahan at isang truck na nakaparada malapit sa pinangyarihan ng sunog.

Sa ngayon, wala namang napaulat na nasaktan sa insidente.

‎Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.

Kasalukuyang isinasagawa rin ang damage assessment upang matukoy ang kabuuang halaga ng napinsala.

‎‎Bilang bahagi ng kanilang paalala, muling hinikayat ng BFP ang publiko na maging mas maingat, lalo na sa mga gamit sa kuryente at pagluluto sa tahanan.