Sinusuri ngayon ng mga awtoridad ang gaming at chat history ng Grade 8 student na suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University para matukoy ang posibleng motibo sa insidente.
Dalawa ang nasawi sa pamamaril, kabilang ang isang estudyante at ang mismong suspek.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, tinitingnan ng mga imbestigador ang gaming history, chat messages at iba pang digital records ng suspek para makabuo ng mas kumpletong forensic analysis sa nangyari.
Sa mga kuha ng insidente, makikitang nagsisiksikan at nagtatago sa ilalim ng mga mesa ang ilang estudyante habang maririnig ang mga putok ng baril.
Ayon sa mga awtoridad, ni-livestream pa umano ng suspek ang insidente gamit ang first-person perspective na kahawig ng isang video game.
Patuloy naman ang imbestigasyon kung paano nakapasok sa paaralan ang dalawang baril na dala ng Grade 8 student.
Ayon sa pulisya, isang regular na pistol at isa pang baril na may conversion para magmukhang assault rifle ang dala ng suspek.
Narekober din ang bag na pinaniniwalaang ginamit sa pagpasok ng mga baril. May nakita ring magazine ng bala sa loob nito.
Samantala, isang opisyal ng Bureau of Customs sa Zamboanga ang sinibak muna sa puwesto matapos lumabas na sa kanya nakarehistro ang isa sa mga baril. Siya umano ang ama ng suspek.
Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage at pahayag ng mga saksi upang mabuo ang buong pangyayari.
Sa kanyang pahayag, nagpahayag ng matinding kalungkutan si Remulla at nanawagan sa publiko na isantabi muna ang politika at unahin ang kaligtasan ng mga bata.
Hinimok din niya ang mga gun owner na maging responsable sa pag-iingat ng kanilang mga baril upang hindi ito mapunta sa kung sino man. | via Bombo John Florez










