Dagupan City – Itinaas na ang Gale Warning sa lalawigan ng Pangasinan bunsod ng masamang lagay ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu – Operations Supervisor, Pangasinan PDRRMO, dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang mga mangingisda at iba pang gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.

Pinag-iingat din ang mga malalaking sasakyang pandagat dahil sa banta ng malalaking alon.

--Ads--

Aniya, sapat ang suplay ng pagkain at mga evacuation centers sa probinsya at nakaposisyon na rin ang mga food at non-food items sa mga itinalagang bayan upang agad na makapagbigay ng tulong kung kinakailangan.

Dagdag pa rito, tiniyak ni Chiu na nakahanda ring tumugon ang mga awtoridad sa agarang pangangailangan ng mga residente.

Naka-alerto na rin aniya ang mga rescue teams katuwang ang Philippine National Police (PNP), Philippine Army, at Philippine Coast Guard, na handang magbigay ng dagdag na puwersa kung kakailanganin.

Kabilang rin sa mahigpit na binabantayan ngayon ang mga flood-prone areas, landslide-prone areas, at mga baybaying-dagat.

Nagpaalala na rin ang opisyal na maaaring ipatupad agad ang pre-emptive evacuation kung kakailanganin.

Hinihikayat naman nito ang publiko na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya at panatilihin ang pagiging alerto. Muling ipinaalala sa lahat na manatiling nakaantabay sa mga abiso ng DOST-PAGASA hinggil sa epekto ng masamang panahon.