Ipinahayag ng Gabriela Women’s Party ang pagkabahala at pagkadismaya sa umano’y hindi angkop na pahayag ng isang kongresista tungkol sa kababaihan, lalo na ngayong ipinagdiriwang ang Women’s Month.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay KJ Catequista, Secretary General ng Gabriela Women’s Party, sinabi nitong nakalulungkot na mismong isang mambabatas ang gumamit umano ng salitang nakababastos sa kababaihan sa isang pampublikong pahayag.

Ayon kay Catequista, malinaw na patunay ito na hanggang ngayon ay patuloy pa ring ino-objectify o ginagawang bagay ang kababaihan sa lipunan.

--Ads--

Binanggit din ni Catequista na ironic umano ang insidente dahil ang naturang mambabatas ay dati ring nagtaguyod ng mga hakbangin na naglalayong protektahan ang kababaihan laban sa pang-aabuso at harassment.

Aniya, kahit naglabas na umano ng public apology ang asawa ng kongresista, tila patuloy pa rin itong ipinagtatanggol ang kanyang pahayag.

Ayon sa Gabriela Women’s Party, naghain na ng ethics complaint laban sa nasabing kongresista sa loob ng Kongreso dahil sa umano’y malinaw na anyo ng harassment sa kanyang mga naging pahayag.

Ipinaalala rin ni Catequista na may umiiral nang mga batas tulad ng Anti-Sexual Harassment Act at Safe Spaces Act, kung saan nakasaad na hindi mahalaga ang intensyon ng nagsalita kundi ang epekto o naramdaman ng taong maaaring naapektuhan.

Ipinaliwanag nito na bahagi ng mas malalim na problema ang insidente dahil matagal nang nakatanim sa lipunan ang macho at feudal na kultura kung saan madalas na ang kababaihan pa ang sinisisi kapag sila ay biktima ng harassment o karahasan.

Binigyang-diin din ng grupo ang kahalagahan ng gender-sensitivity training hindi lamang para sa mga kawani ng pamahalaan kundi maging sa mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas.

Ayon kay Catequista, mahalagang mas maunawaan ng mga lider ng bansa ang mga batas at isyu na may kinalaman sa karapatan ng kababaihan dahil sila ang inaasahang mangunguna sa pagprotekta sa mga ito.

Sa huli, inimbitahan nito ang publiko na makiisa sa mga aktibidad ng kababaihan sa darating na Marso 8, kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day.