May naka standby ng fuel subsidy program kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo sa world market sa gitna ng banta ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hawak na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P2.5 bilyong pondo para sa subsidiya ng mga nasa sektor ng transportasyon.
Inatasan na rin ang mga ahensya sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na plantsahin ang dokumentasyon at proseso para sa pagpapatuloy ng 2025 fuel subsidy program.
May nakalaan ding tig-P25 milyon ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ng posibleng pagmahal ng produktong petrolyo.
Tiniyak ng Malacañang na oras na maabot ang itinakdang presyo ng krudo ay agad ilalabas ang ayuda upang maibsan ang epekto nito sa mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.










