DAGUPAN CITY—Patuloy na umiigting ang tensyon sa Sri Lanka kasabay ng lumalalang krisis sa suplay ng langis, ayon kay Priscilla Rollo Wijesooriya, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa.

Ayon sa kanya, ang paglala ng sitwasyon sa Sri Lanka at sa Gitnang Silangan ay direktang nakaapekto sa kakulangan ng fuel sa bansa.

Dahil dito, nagpatupad ang pamahalaan ng ilang hakbang, kabilang ang apat na araw na work week para sa ilang tanggapan ng gobyerno at mga paaralan.

--Ads--

Kapansin-pansin din ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na noon pa man ay tumataas na bago pa man sumiklab ang kaguluhan.

Upang makontrol ang suplay, ipinatupad ang limitadong pagbili ng fuel gamit ang QR code system. Pinapayagan lamang ang mga motorsiklo na makakuha ng limang litro kada linggo, habang 15 litro naman para sa mas malalaking sasakyan. Hindi naman nililimitahan ang mga pampublikong bus at mga sasakyang pangkalusugan tulad ng ambulansya.

Mahigpit ding ipinatutupad ng pamahalaan ang pagbabawal sa pagtaas ng presyo ng iba pang bilihin maliban sa langis. Sa kabila nito, wala pang naitatalang pagtaas sa presyo ng mga produkto sa merkado sa kasalukuyan.

Umaasa ang gobyerno ng Sri Lanka na magpapatuloy ang suplay ng langis mula sa India at Russia upang matugunan ang pangangailangan ng bansa.

Sa gitna ng krisis, patuloy na tumatakbo sa regular na iskedyul ang mahahalagang sektor tulad ng kalusugan, pantalan, suplay ng tubig, at customs. Samantala, sarado tuwing Miyerkules ang mga pribadong paaralan, unibersidad, at mga bangko—pampubliko man o pribado.

Sa kabila ng tumitinding tensyon, ipinahayag ni Wijesooriya ang kanyang paniniwala na ginagawa ng kanilang pangulo ang lahat ng makakaya upang makapagpatupad ng mga hakbang na makabubuti sa mamamayan.