DAGUPAN CITY- Patuloy na pinaiigting ng Field Service Office (FSO) Pangasinan ang mga programa at serbisyo para sa mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang matiyak ang kanilang maayos na kalagayan at tuloy-tuloy na benepisyo.
Bahagi ng mga hakbang na ito ang regular na updating at personal na pagbisita sa mga beterano, lalo na sa mga hindi na kayang dumalo nang personal dahil sa katandaan at kalagayang pangkalusugan.
Isinasagawa ng FSO Pangasinan ang updating ng mga beterano dalawang beses sa isang taon, kung saan ang unang basehan ay ang buwan ng kapanganakan ng beterano at ang ikalawa ay makalipas ang anim na buwan.
Ang ganitong sistema ay mahalaga upang mapanatili ang tamang talaan at matiyak ang tuloy-tuloy na pagproseso ng kanilang mga benepisyo.
Para sa mga beteranong nasa malalayong lugar, ipinatutupad din ang online updating sa pamamagitan ng video conferencing upang mas mapadali ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tanggapan.
Para naman sa mga beteranong may edad na higit isang siglo at hindi na pisikal na kayang bumiyahe, nagsasagawa ang FSO Pangasinan ng house-to-house visits sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa naturang aktibidad, tinungo ng mga kinatawan ng FSO Pangasinan ang mga tahanan ng mga World War II veterans kasama ang mga medical doctors upang masuri ang kanilang kalusugan.
Nagbigay rin ng mga gamot at food packs bilang dagdag na tulong at pagkilala sa kanilang sakripisyo at serbisyo sa bayan.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na ipinapakita ng FSO Pangasinan at ng Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang malasakit at pagkilala sa mga beterano, lalo na sa mga senior veterans na nangangailangan ng espesyal na atensyon at suporta sa kanilang katandaan.










