BOMBO DAGUPAN – Isang napakahirap na sakripisyo ang mangibang bansa ngunit kahit sino ay susugal kung kinakailangan maitaguyod lamang ang kanilang mga mahal sa buhay.

Yan ang pinanghawakan at naging inspirasyon ni Ma’am Mercy Saavedra Cacan ang ating Bombo  International News Correspondent sa Bansang Singapore. Isang ina na walang ibang hangad kundi ang maginhawa at magandang kinabukasan para sa kanyang minamahal na mga anak.

Hindi biro ang lahat ng naranasan ni Ma’am Mercy, namulat siya sa hirap ng buhay kaya’t alam niya kung gaano kahalaga ang bawat sentimo.

--Ads--

Noong siya ay nasa Pilipinas pa ay isa siyang guro, nagturo siya ng pitong taon sa isang pribadong eskwelahan sa Ilo-ilo ngunit hindi nga naging sapat ang kanyang kinikita para maitaguyod ang tatlo niyang mga anak.

Dahil sa kagustuhan niya na mapagtapos silang lahat sa pag-aaral ay sinubukan nga niyang makipagsapalaran sa bansang Singapore. Noong una’y sinubukan niya lamang at ang plano niya ay uuwi din sa Pilipinas makalipas ang dalawang taon.

Hindi nga naging madali ang buhay niya sa Singapore, maaaring sinwerte siya dahil mababait ang kanyang amo ngunit aminado din siyang walang araw na hjndi niya namimiss ang kanyang pamilya.

Isa rin sa naging pagsubok ni Ma’am Mercy sa ibayong dagat ay ang language barrier, lalo na at hindi naman Ingles ang native language ng bansang Singapore. May mga pagkakataon na hirap talaga siyang intindihin ang kanyang mga nakakausap maging ang kanyang amo.

Ngunit sa kabila ng lahat pinanghawakan niya parin ang kanyang pangarap na mapagtapos ang kanyang mga anak sa pag-aaral upang hindi na nila danasin ang kanyang mga pinagdaanan. Dahil noong siya ay nag-aaral pa ay siya mismo ang sumusuporta sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagiging working student.

Napakahirap nga na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho ngunit nakayanan iyon ni Ma’am Mercy hanggang sa natapos siya sa kolehiyo at naging isang ganap na guro.

Pagbabalik tanaw nga niya bago siya umalis ng bansa taong 2000 ay hindi niya lubos inakala na magtatagal siya sa Singapore at 24 years na siyang naninilbihan sa iisang employer mula noong siya ay nagsimula sa pagtahak sa ibayong dagat.

Isa nga rin sa naging malaking pagsubok ni Ma’am Mercy ay noong magkasakit siya habang nasa ibang bansa. Dumating sa punto na kailangan niyang sumailalim sa 6 months treatment at laking pasasalamat niya dahil hindi siya pinabayaan ng kanyang amo. Hindi nga din niya ipinaalam sa kanyang pamilya ang kanyang pinagdaanan, dahil na rin sa ayaw niya ang mga ito na mag-alala. Subalit may mga pagkakataon din talaga na umiiyak na lamang siya kapag naaalala ang kanyang mga anak lalo na sa mga panahong dapat ay kasama niya sila.

Lalo na at noong mga unang taon niya sa Singapore ay hindi pa gaano uso ang paggamit ng cellphone gayundin ang internet kaya idinadaan niya na lang sa pagpapadala ng  sulat ang kanyang pangungulila at pagpapaabot ng kanyang mensahe sa kanyang minamahal na mga anak at pamilya.

Sa kasalukuyan nga ay napagtapos na niya lahat ang kanyang tatlong anak sa kolehiyo na itinuturing niyang bunga ng kanyang hirap at sakripisyo. Hindi man niya nadaluhan ang lahat ng graduation ng kanyang mga anak ngunit labis labis ang kanyang tuwa dahil sa wakas ay nakapagtapos na sila.

Payo nga niya sa mga nais ding sumubok at makipagsapalaran sa ibayong dagat ay dapat pag-isipan muna ng 100,000 times dahil hindi magiging madali ang buhay sa ibang bansa lalo na at malayo ka sa iyong pamilya. Isa ang pagkaramdam ng homesick na dapat ay kayanin mo.