Dagupan City – Pinuri ni dating House Representative France Castro ang pagbubukas ng budget deliberations sa publiko, na aniya’y matagal nang panawagan ng iba’t ibang sektor.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng bicameral conference committee sa ₱33 bilyong pondo para sa mga farm-to-market road (FMR) projects sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.
Ayon kay Castro, sang-ayon siya sa pagtapyas sa budget ng unprogrammed appropriations dahil umano ito ang nagiging “modus” ng ilang mambabatas. Dagdag pa niya, mas mainam na sumailalim muna sa masusing assessment at oversight ang mga proyekto bago ito paglaanan ng pondo.
Gayunman, ikinalungkot niya na nananatili pa rin ang ilang “allocable” sa panukalang badyet.
Hinggil naman sa pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at iba pang kahalintulad na programa, iginiit ni Castro na mas makabubuting direktang i-allocate ang pondo sa mga ospital o sa mga programang naglalayong lumikha ng mas matatag at pangmatagalang trabaho para sa publiko.
Aniya, ang ganitong uri ng ayuda ay mistulang “band-aid solution” lamang o post-enactment distribution na panandalian ang epekto at hindi tumutugon sa ugat ng mga suliraning pang-ekonomiya.










