Binuo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang Food Security Task Force sa loob ng Department of Agriculture (DA) upang masusing mabantayan at matugunan ang mga pagkagambala sa agrikulture supplies, presyo, at kalakalan dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa digmaan sa Middle East.
Ayon kay Laurel, layunin ng hakbang na ito na palitan ang dating ad hoc na monitoring system ng ahensiya, at maglatag ng mas sistematikong paraan sa pagsubaybay sa suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, gayundin sa pag-aangkat at pag-e-export.
Sinabi ng opisyal na mula nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng US-Israel at Iran ay naging ad hoc na ang operasyon ng DA.
Ayon pa sa kalihim, maglalabas ang task force ng araw-araw na ulat hinggil sa kalagayan ng pagkain sa bansa, na ibabahagi sa Kongreso at sa Tanggapan ng Pangulo.
Aniya, tututukan ng task force ang epekto ng pagkaantala sa mga rutang pandagat, partikular sa Middle East, na nakaapekto sa mahahalagang export ng Pilipinas tulad ng saging at pinya.
Dagdag pa niya na nagdulot ang mga pagkaantala ng “opportunity losses” sa mga exporter na maaaring mapilitang ilihis ang kanilang mga shipment sa ibang merkado sa mas mababang presyo.
Upang masuportahan ang sektor ng agrikultura, nakikipag-ugnayan ang DA sa mga institusyong pinansiyal, kabilang ang Land Bank of the Philippines, upang magbigay ng tulong sa mga exporter na nakararanas ng pagkalugi.
Binigyang-diin pa niya na ang mas malawak na layunin nito ay pagsama-samahin ang impormasyon, i-standardize ang mga ulat, at magbigay ng napapanahong datos sa mga policy maker para sa mas mabilis na aksiyon.
Sa ngayon ay pinag-aaralan umano ang pagbubukas ng mga alternatibong merkado naposibleng sa Africa, Australia, Europe, at Southeast Asia bagama’t maaaring maging hadlang ang mga hamong logistikal at kompetisyon.










