Nananatiling hamon para sa bansa ang food insecurity matapos lumabas sa mga pag-aaral na 32.6 porsiyento ng mga Pilipino o halos tatlo sa bawat sampung mamamayan ang nakararanas pa rin ng kakulangan sa pagkain.
Sa panayam, sinabi ni Atty. Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Party-list, na hindi lamang usapin ng produksyon ng pagkain ang ugat ng problema kundi maging ang kakayahan ng mga Pilipino na makabili ng sapat at abot-kayang pagkain.
Ayon kay Cabatbat, mahalagang maunawaan ang kaibahan ng food security at food sovereignty.
Sinabi niyang kahit maraming pagkain ang pumapasok mula sa ibang bansa, nananatili pa ring problema kung hindi ito kayang bilhin ng mga mamamayan dahil sa mataas na presyo.
Pinuri ni Cabatbat ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng price cap sa imported na bigas upang mapigilan ang labis na pagtataas ng presyo sa merkado.
Gayunman, iginiit niyang kinakailangan ng mas matibay na batas upang maging pangmatagalan ang mga ganitong hakbang.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga mambabatas na unahin ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa pansariling interes sa pulitika.
Bagama’t inamin niyang may mga pagkakataong hindi sila nagkasundo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular sa ilang executive orders na kanilang kinuwestiyon sa Korte Suprema, kinilala rin ni Cabatbat ang ilang positibong resulta ng mga programa ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.
Aniya, kapansin-pansin ang pagtaas ng presyo ng palay kumpara noong nakaraang taon.
Dahil dito, sinabi niyang may mga aspeto ng pamamahala sa agrikultura na nararapat kilalanin.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Cabatbat sa pagkaantala ng mga pagdinig sa Senado kaugnay ng mga panukalang batas para sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa kanya, naapektuhan ng mga sigalot sa Senado ang pagpapatuloy ng mga mahahalagang talakayan, kabilang ang mga panukalang makatutulong sa mga magsasaka.










