Dagupan City – Hirap ngayon ang ilang nagtitinda ng bulaklak sa lungsod ng Dagupan dahil sa mataas na presyo ng mga paninda at mabagal na benta sa kabila ng nalalapit na Araw ng mga Puso.

Isa sa mga apektado ay si Marlene Bravo, 65-anyos at may-ari ng Tres Marias Flower Shop sa Zamora Street.

Ayon sa kanya, mahigit 40 taon na siya sa industriya ngunit ngayon ay hirap siyang makabawi dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bulaklak, lalo na ang rosas.

--Ads--

Ang dating bundle ng rosas, umaabot na ngayon sa ₱1,000, kaya hirap itong itinda sa dating presyong kaya ng mga estudyante.

Dahil dito, mula sa ₱50 kada tangkay, tumaas na rin ang presyo ng kanilang fresh flower bouquets na nagkakahalaga ngayon ng ₱500 hanggang ₱2,000.

Bukod sa mataas na presyo, problema rin ang kakulangan sa order. Kahit malapit na ang Valentine’s, mabagal pa rin ang benta.

Samantala, patuloy namang tinatangkilik sa Highland Flower Shop sa Burgos Street ang mga wood flowers, fossilized flowers, crochet flowers, at satin flowers, na mas matibay kumpara sa fresh flowers.

Ayon sa may-ari na si Esperanza Runas, mas patok ngayon sa mga mamimili ang alternative flowers dahil sa tibay at mas abot-kayang presyo.

Ang mga wood flowers mula Maynila ay nagkakahalaga ng ₱500 kada bouquet, ang fossilized flowers mula Cabanatuan ay ₱200 pataas, habang ang crochet flowers mula Baguio ay ₱500, at ang satin flowers naman ay ₱800 pataas.

Habang patuloy ang hamon sa negosyo ng bulaklak sa Dagupan, umaasa ang mga tindera na dadami pa rin ang mamimili sa nalalabing araw bago sumapit ang Pebrero 14.