Nasawi ang mahigit 150 katao sa Nepal at daan-daang turista ang nawawala matapos ang malawakang flash flood at pagguho ng putik sa lugar.
Kabilang sa mga nawawalang turista ang mahigit 100 mula sa India, 54 mula sa Estados Unidos, at 33 mula sa United Kingdom, gayundin ang mahigit 100 mula mismo sa Nepal, ayon sa tourism board ng Nepal. Popular ang lugar sa mga pilgrim at trekker.
Nawawala rin ang dose-dosenang pulis at sundalo, gayundin ang mga manggagawa sa sektor ng kuryente. Isang babae ang nagkuwento na tinangay ng baha sa kanyang harapan ang kanyang pamilya. Nakaligtas siya at ang kanyang anak matapos umakyat sa bubong ng isang gusali.
Sa Tibet, iniulat ng Chinese state media na tatlong katao ang nasawi at 265 ang nawawala. Makikita sa CCTV footage mula Tibet ang rumaragasang tubig at putik na tumama sa mga gusali sa isang border crossing.
Una nang inakala ng mga awtoridad na maaaring lindol ang nagdulot ng pagguho ng lupa. Gayunman, sinabi ng US Geological Survey na ang “seismic energy” ay nagmula mismo sa pagguho ng lupa.
Kasalukuyan nang nagpapatupad ng malawakang search and rescue operations ang Nepal Army katuwang ang mga emergency response team gamit ang mga helicopter at specialized equipment.
Naka-high alert na rin ang lahat ng komunidad sa gilid ng ilog habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang daloy ng tubig mula sa border.










