Dagupan City – Maglulunsad ang Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang ng Fire Square Roadshow na naglalayong ipakita sa komunidad ang iba’t ibang gawain ng mga bumbero kahit walang nagaganap na sunog at mapalakas ang kamalayan ng publiko sa pag-iwas at paghahanda sa sunog.
Ipapakita sa programa ang mga tungkulin ng mga bumbero sa oras ng emergency tulad ng pagbibigay ng paunang lunas o first aid at mabilis na pagtugon sa iba’t ibang insidente.
Magkakaroon din ng mga demonstrasyon kung paanong ligtas na mapapatay ang maliliit na apoy gamit ang mga simpleng kagamitan at tamang paraan ng pagresponde.
Isasagawa rin sa aktibidad ang Exit Drill in the House kung saan ituturo sa mga kalahok ang wastong paglikas mula sa loob ng bahay sakaling magkaroon ng sunog.
Ipapakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na plano ng paglabas upang maiwasan ang panic at mapanatili ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya.
Layunin ng roadshow na palakasin ang ugnayan ng BFP at ng komunidad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman at pagsasanay sa tamang pag-iingat laban sa sunog.
Inaasahang magkakaroon ng mas malinaw na pag-unawa ang mga kalahok sa kahalagahan ng pagiging handa at maagap sa pagharap sa mga sitwasyong may kinalaman sa sunog.










