Opisyal nang kinilala ng Guinness World Records si Lito De Veterbo, isang mountaineer at environmental advocate, bilang pinakamabilis na taong tumawid sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng paglalakad (Fastest crossing of the Philippines on foot).

Nakumpleto ni De Veterbo ang kanyang makasaysayang paglalakbay mula Maira-ira Point sa Pagudpud, Ilocos Norte, hanggang Tinaca Beach sa Glan, Sarangani Province, sa loob ng 147 araw, isang oras, 39 minuto at 53 segundo, mula Pebrero 9 hanggang Hulyo 6, 2025.

Noong Oktubre 22, natanggap nito ang kumpirmasyon mula sa Guinness World Records, pormal na kinikilala ang kanyang rekord.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakanya, inilarawan nito ang kaniyan karanasan bilang “bittersweet” masaya dahil natupad niya ang kanyang pangarap, ngunit malungkot din dahil nagwakas na ang isang makabuluhang yugto ng kanyang buhay.

Subalit aniya ang pinaka-sweet na bahagi ng kaniyang journey ay ang pagkakataong maipromote ang environmental awareness.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, gumamit lamang siya ng karton bilang banner sa halip na tarpaulin at hindi kailanman gumamit ng plastic bottles sa buong paglalakbay. Saad niya na gusto niyang ipakita na puwedeng maglakbay nang hindi sinisira ang kalikasan.

Nagbahagi rin siya ng mga alituntunin para sa responsable at makakalikasang paglalakbay:

Maglakad at maglakbay nang hindi sinisira ang mga lugar na dinaraanan, huwag mag-iwan ng basura, huwag mag-vandalize o manira ng kalikasan.

Ibinahagi niya na pinakamalaking hamon sa kanyang paglalakbay ay ang kaligtasan at kondisyon ng panahon ngunit masaya siya sa naging outcome nito.

Ayon sa kanya, makikita na ang opisyal na sertipikasyon ng kanyang world record sa opisyal na website ng Guinness World Records.