Mga kabombo! Gusto mo bang libutin ang buong Pilipinas o maging ang kalawakan subalit walang sapat na pera?

Nakagawa ng kakaibang pamamaraan ang isang Filipino content creator na si Liam Lerio upang maging isang Filipino Looper nang nasa bahay lamang.

Kinagiliwan ng mga tagahanga at napuno ng katatawanan nang subukan ni Lerio na libutin ang Pilipinas sa pamamagitan ng kaniyang computer at internet lamang.

--Ads--

Sa tulong ng street view ng isang online map, napagtagumpayan niyang malibot ang Muntinlupa patungong Sucat, sa Metro Manila sa kaniyang unang araw.

Sa ikalawang araw ay susubukan niya sanang lumabas na ng Manila at tumungong Bulacan subalit kaniya munang inudlot ito dahil umano sa lumalalang kurapsyon sa bansa.

Kaya napag-isipan naman niyang magsagawa ng Solar System Loop dahil wala umanong korap sa kalawakan.

Tawanan naman ang kaniyang mga tagahanga nang di umano’y nasilaw siya sa kaniyang unang daan patungong Araw.

Paliwanag niya pa, nauna na niyang plano na puntahan ito nang gabi upang maiwasang masilaw at masunog.

Gayunpaman, kaniyang napagtanto na hindi niya ito maiiwasan kahit pa sa gabi.

Kasunod nito, binisita na niya ang iba’t ibang planeta at inanunsyong susunod niyang bibisitahin ay ang Andromeda Galaxy.