Dagupan City – Muling ipinamalas ng mga Pilipino ang kanilang husay sa larangan ng Arnis matapos nilang lumahok sa Federation Francaise Karate (FFK) sa ilalim ng Southeast Asian Martial Arts Division (Arts Martiaux du Sud-Est Asiatique, AMSEA).

Ang taunang kumpetisyon na ito, na nagsimula noong 2020 na may layuning ipalaganap ang tradisyunal na sining ng pakikipaglaban mula sa Timog-Silangang Asya, kabilang na ang Arnis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladelyte Valdez, Bombo International Correspondent sa France, ang tagumpay ng mga kalahok ay isang malaking hakbang para sa pagpapalaganap ng Arnis sa Europa.

--Ads--

Pinangunahan naman ito ni Marcelo Andres ng Red Balintawak Paris, kung saan nakapag-uwi ang grupo ng maraming medalya mula 2024 hanggang 2025, na siyang patunay naman ng kanilang dedikasyon at galing sa naturang martial art.

Bagaman lumalawak ang impluwensya ng Arnis sa France, nakakalungkot naman ani Valdez na hindi nagbigay ng suporta ang Embahada ng Pilipinas sa Paris, sa kabila ng mga isinagawang imbitasyon.

Isa ito aniya sa malaking kakulangan sa pagkilala ng Arnis bilang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino, lalo na’t ito ang sining ng pakikipaglaban na ginamit ni Lapu-Lapu laban kay Magellan.

Ang panalo naman ng Red Balintawak Paris sa national competition na may dalang dalawang medalya ay isang patunay ng talento ng mga Pilipino sa larangan ng martial arts. Sa patuloy na pagsusumikap ng mga Pilipino sa pagpapakilala ng Arnis sa international competitions, umaasa si Valdez na hindi malayong mas makilala pa ito bilang isang lehitimong martial art sa Europa at buong mundo.