Dagupan City – Hindi na rin nagpapigil ang Filipino-American content creator na si Bretman Rock sa nanguauaring issue sa mga “nepo babies” na gumagamit daw ng pera ng taong-bayan para tustusan ang kanilang mga luho sa buhay.

Paano ba naman kasi, pinatutsadahan ni Bretman ang mga ito sa pamamagitan ng social media Stories habang nagsasalita ng tatlong lengguwahe—English, Tagalog, at Ilocano.

Sa video, hinimok niya ang kanyang followers na ikomento ng mga ito kung saang lengguwahe siya nababagay sa pagsasalita.

--Ads--

Ngunit imbes sagot sa tanong ni Bretman, ang kanyang nakuha ay ilang katanungan kung ano ba ang pagkakaiba ng “language” at “dialect.”

Agad naman itong sinagot ni Bretman sa isang hiwalay na video. Aniya, anuman ito ay ayaw na niyang makipagtalo lalo pa’t may mas mahalaga raw dapat talakayin at pagtuunan ng pansin sa Pilipinas.

Dito na pumasok ang topic ni Bretman sa “nepo babies” o mga taong nakakakuha ng oportunidad o kasikatan dahil sa mga magulang at kamag-anak nilang sikat o makapangyarihan.

Aniya, marami siyang nakikita online na nepo babies na maluho nga sa gamit ngunit kuwestiyonable naman ang “fashion choices.”

Diin nito, malaking sampal sa taong-bayang ninakawan nila kung mapupunta lang sa wala ang mga pinambibili ng mga gamit ng nepo babies na hindi naman bumabagay sa kanila.

Matatandaan na ilang linggo nang usap-usapan online ang tungkol sa marangyang buhay ng mga anak ng opisyal ng gobyerno at private contractors na bilyun-bilyong halaga umano ang kinukurakot sa kaban ng bayan dahil sa maanomalyang flood control na proyekto ng pamahalaan.