DAGUPAN CITY- Hindi man naiuwi ang gintong medalya, ipinamalas ni Filipina billiards star Chezka Centeño ang galing at tapang matapos makamit ang silver medal sa inaugural WPA Women’s 8-Ball World Championship na ginanap sa Oneida Casino, Green Bay, Wisconsin.

Nanaig ang Austrian cue artist na si Jasmin Ouschan, na nagpakita ng tibay ng loob at husay sa huling rack upang tuluyang maagaw ang kampeonato.

Si Centeño, 26 taong gulang at dating World 10-Ball champion, ay hindi bumitaw hanggang dulo.

--Ads--

Matapos matalo kay Ouschan, nakamit niya ang silver medal matapos ang makapigil-hiningang semi-final win kontra Belarusian-American na si Margarita Fefilova, 8-6.

Sa kabila ng pagkatalo, nagpamalas si Centeño ng determinasyon at puso, bumangon mula sa 8-6 na kalamangan ni Ouschan at nagtulak ng laban sa 8-8, bago tuluyang sinelyuhan ng Austrian ang tagumpay sa final rack sa ilalim ng alternate break format.

Isang karangalan pa rin ang pag-uwi ni Centeño ng pilak para sa Pilipinas sa larangan ng bilyar sa pandaigdigang entablado.