Dagupan City – Nagsagawa ng Field Day on Integrated Pest and Nutrient Management Technology Transfer on Biological Control Agents ang Department of Agriculture–Regional Field Office I katuwang ang Municipal Agriculture Office ng Lokal na Pamahalaan ng sa bayan ng Mangaldan.

Ang aktibidad ay bahagi ng mga programang nakatuon sa pamamahala ng fall armyworm na nakaaapekto sa mga taniman ng mais.

Tampok sa field day ang paggamit ng biological control agents bilang bahagi ng integrated pest management sa produksyon ng mais.

Ipinresenta sa mga dumalong magsasaka ang paunang resulta ng pananaliksik na Scaling Out of Selected Biological Control Agents for the Management of Fall Armyworm in Ilocos Region, na layong maipasa ang teknolohiya at praktikal na kaalaman sa wastong paggamit ng mga piling biological agents.

Pinangasiwaan ang aktibidad ng Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni Agricultural Technologist Daisy A. Dela Cruz, Municipal Corn Banner Focal Person.

--Ads--

Tinalakay naman ni Xander C. Tumanan, Agricultural Technician I ng DA-RFO1, ang mga katangian ng fall armyworm at ang mga pamamaraang ginagamit sa biological control.

Nagbigay rin ng impormasyon ang mga kinatawan ng Pangasinan Research and Experiment Center at Regional Crop Protection Center hinggil sa tamang aplikasyon ng iba’t ibang biological control agents at ang papel ng integrated pest management sa produksyon ng mais.

Dumalo sa aktibidad ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay sa Mangaldan bilang bahagi ng mga programang pang-agrikultura ng pamahalaan.