Dagupan City – Ikinadismaya ng Federation of Free Workers ang P35 na dagdag sa arawang sahod ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa Metro Manila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sonny Matula, Presidente ng nasabing grupo, mistulang taktika lamang umano ito ng pamahalaan para sa pagsusulong ng ₱150 daily wage increase sa bansa.

Binibigyan-diin pa nito na isang makabuluhang dagdag sahod sa buong bansa ang dapat na tutukan ng pamahalaan dahil mahalaga ito upang mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya at itaguyod ang sahod na nasa itaas ng threshold ng kahirapan.

--Ads--

Ayon kay Matula, nararapat lamang na ang mga manggagawa sa lahat ng rehiyon ay makatanggap ng sahod na sumasalamin sa tunay na halaga ng pamumuhay at sumusuporta sa isang marangal na pamumuhay.

Halos karamihan kasi aniya sa mga wageboard ay mas mababa pa sa minimum wage gaya na lamang ng sahod sa Bangasamoro Region na nasa ₱251 pa lamamg.

Ani Matula, kung tutuusin ay pare-pareho lang naman ang at walang masiyadong pinagkaiba ang mga bilihin sa Metro Manila at sa probinsya kung kaya’t dapat na maalis na ang diskriminasyon sa lugar na pagtratrabahuan.

Matatandaan na aprubado na sa senado ang P100 na wage hike ngunit hanggang ngayon inaantay pa rin ang aprubasyon ng house of representatives sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez.

Muli naman itong nanindigan na dapat ay nationwide ang gagawing pagtaas sa sahod ng mga manggawa dahil naiwan na ang bansa ng Indonesia at Malaysia na kung tutuusin ay halos kapareho lamang nito ng estado sa ekonomiya.

Federation of Free Workers, kompiyansa sa senado aaprubahan na ang taas sahod sa mga manggagawa
Convention 190 ng International Labor Organization, isinusulong ng mga kababaihang manggagawa mula sa iba’t ibang grupo kaugnay sa selebrasyon ng Women’s month