Sinang-ayunan ng Federation of Free Farmers (FFF), ang panawagan at babala ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa National Irrigation Administration (NIA) hinggil sa posibleng pagnanakaw at maling paggamit ng P33-bilyong pondo para sa farm-to-market roads (FMRs).

Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng nasabing grupo, welcome sa sektor ng agrikultura ang naging babala ng senador, lalo’t ang Kongreso rin ang nagtulak at nagdepensa ng pondo para sa pagpapagawa ng mga farm-to-market roads.

Aniya, mahalagang hindi lamang sa babala nagtatapos ang papel ng mga mambabatas, kundi dapat ay aktibo rin silang nakikilahok sa aktuwal na pagmamanman at oversight sa implementasyon ng mga proyekto.

--Ads--

Binigyang-diin din ng FFF chairman ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga local government units (LGUs) at ng civil society sa maayos na implementasyon ng mga farm-to-market roads.

Ayon sa kanya, mas nagiging epektibo ang mga proyekto kung may malinaw na koordinasyon at pagbabantay mula sa iba’t ibang sektor.

Ipinaliwanag pa ni Montemayor na pinalaki ang badyet ng Department of Agriculture (DA) dahil sa pagdami ng produktong agrikultural na kailangang maihatid mula sa mga bukirin patungo sa mga pamilihan.

Sa huli, iginiit nito na mahalaga ang pinalaking pondo para sa FMRs at umaasa siyang hindi lamang ito mapapangalagaan, kundi lalo pang madadagdagan sa mga susunod na taon, kasabay ng mas maayos, transparent, at epektibong implementasyon ng mga proyekto.