Dagupan City – Nanindigan ang Federation of free farmers na paglabag ang ipinatupad na Executive Order 62 na nagpapababa sa taripa ng imported na bigas sa karapatan ng mamayan.
Ayon kay Raul Montemayor, National Manager ng Federation of Free Farmers, isa itong uri ng ilegal at unconstitutional na kautusan, dahil hindi naman kinonsulta ang sektor ng mga magsasaka sa bansa.
Aniya, ang layunin ng panukalang batas ay ibaba sa 15% ang taripa sa imported na bigas mula 35%, malayo sa dating datos nito at kita ng mga magsasaka.
Kung tutuusin aniya, luging-lugi na ang sektor ng agrikultura, at dadagdag pa itong panibagong panukala na siyang magiging kompetensya pa ng local farmers sa merkado.
Binigyang diin pa ni Montemayor na palpak ang nasabing kautusan, dahil sa ilalim din ng Rice Tariffication Law (RTL) ay inaalisan ng karapatan ang pamahalaan na kontrolin ang mga private sectors na magbigay ng standard price, dahilan upang may mga mataas na bilihin sa merkado.
Kapag ipinatupad aniya ang panukala, hindi naman din makasisiguro ang pamahalaan kung tatalima ang mga rice retailers sa pagbaba ng presyo, kung kaya’t malabo ring matupad ang layunin ng gobyerno.
Samantala, ibinahagi naman nito ang nangyari noong 2019 kung saan ay ipinangako ng pamahalaan na kapag binuksan ang importasyon sa bansa ay bababa rin ang presyo sa merkado, ngunit magpasa-hanggang ngayon ay nanantiling mataas at hindi bumababa ang mga ito.