Dagupan City – Naiintindihan ng maraming sektor ng magsasaka ang intensyon ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa pagdedeklara ng food emergency. Gayunpaman, patuloy na tinututukan ng mga ito ang epekto nito sa presyo ng palay, lalo na’t ang kasalukuyang halaga nito ay umaabot sa ₱17 hanggang ₱50, na itinuturing na palugi para sa maraming magsasaka.
Ayon kay Leonardo Montemayor — Chairman, Federation Of Free Farmers, may ilang pangunahing problema sa pagpapatupad ng food emergency declaration.
Una, tila hindi epektibong nagagamit ang mga umiiral na programa upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa merkado. Pangalawa, mabagal ang kilos ng mga ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang para maibsan ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Noong Enero 14, inirekomenda ng Price Council ang deklarasyon ng food emergency, subalit hanggang ngayon, marami pa rin ang nagtataka kung sino ang mga interesadong bumili ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) at kailan magsisimula ang aktuwal na pagbebenta nito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa kawalan ng price control, kahit na wala namang hadlang sa importasyon. Ang malaking tanong ng mga mamimili: Bakit hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas, kahit bumaba na ang presyo ng imported rice sa pandaigdigang pamilihan?
Matatandaan na nakatakdang ilabas na ng National Food Authority (NFA) ang mas murang bigas sa mahigit 50 local government units sa susunod na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa paniniwalang makatutulong ito sa pagpapababa ng presyo ng bigas at upang mapaluwag ang mga bodega ng NFA at maihanda ito sa pagbili ng mas maraming palay mula sa mga lokal na magsasaka.