Dagupan City – Nanawagan si Leonardo Montemayor, dating Agriculture Secretary at kasalukuyang Chairman ng Federation of Free Farmers, na itigil muna ang pag-angkat ng bigas sa bansa.

Ayon sa kanya, lalo lamang itong nagpapababa sa presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka, na nagiging sanhi ng patuloy nilang pagkalugi.

Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang ganitong sistema, bababa rin ang produksyon ng palay sa mga susunod na panahon, dahil nawawalan na ng ganang magtanim ang mga magsasaka sa sobrang baba ng kita.

--Ads--

Hinggil naman sa planong pagbubukas din sa mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ang 1.2 million na sako ng bigas na isusubasta ng National Food Authority (NFA).

Ani Leonardo, ayon sa kanyang obserbasyon, punong-puno pa ang mga imbakan ng National Food Authority (NFA), kaya hindi pa ito maisasagawa sa ngayon.

Paliwanag niya, hindi pa rin nailalabas ng NFA ang mga konkretong alituntunin o procedures para sa nasabing subasta.

Kaya’t habang wala pang malinaw na patakaran, hindi pa ito maipatutupad.

Ngunit binigyang-diin ni Montemayor na nakadepende pa rin sa bilis ng kilos ng mga ahensya ng gobyerno kung kailan maisasakatuparan ang subasta.

Habang wala pang malinaw na direksyon, nananatiling nakaamba ang problema ng oversupply at mababang presyo ng palay sa mga magsasaka sa bansa.