Nanawagan si Federation of Free Farmers (FFF) Chairman Leonardo Montemayor sa Department of Agrarian Reform (DAR) na pabilisin ang pagpapatupad ng mga natitirang bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at resolbahin ang mga matagal nang nakabinbing kaso sa lupa na patuloy na nakaaapekto sa libu-libong magsasaka sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Montemayor na mahigit isang dekada na ang nakalipas mula nang magtapos ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) noong Hunyo 2014, ngunit nananatili pa ring malaking hamon ang pamamahagi ng mga natitirang pribadong lupang agrikultural.

Ayon sa kanya, tinatayang nasa 700,000 ektarya ng pribadong lupang agrikultural ang hindi pa noon naisasailalim sa Land Acquisition and Distribution Program ng DAR. Aniya, sa loob ng 12 taon, tinatayang nasa 200,000 ektarya pa lamang ang naipamahagi, kaya may natitira pang humigit-kumulang 500,000 ektarya na dapat mapabilang sa programa.

--Ads--

Isa sa mga pangunahing isyung binigyang-diin ng opisyal ng grupo ay ang mga tinatawag nilang “bigay-bawi” na kaso, kung saan binabawi umano ang mga lupang dati nang naipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.

Ayon kay Montemayor, maraming magsasaka ang nakatatanggap na ng titulo at nakinabang na sa mga programang nagpapatawad sa kanilang obligasyon sa lupa, ngunit kalaunan ay nakatatanggap ng abiso na maaaring bawiin ang kanilang pagmamay-ari.

Kabilang umano sa mga kadalasang dahilan ang alegasyong hindi dapat naisama sa CARP ang ilang lupain dahil nakategorya na itong non-agricultural sa panahon ng distribusyon.

Ipinahayag din ni Montemayor ang pagkabahala sa mga ulat ng pananakot at pangha-harass na nararanasan ng ilang agrarian reform beneficiaries mula sa mga dating may-ari o iba pang claimant ng lupain.

Aniya, may mga magsasakang napipilitang talikuran ang kanilang mga karapatan dahil sa takot at kawalan ng sapat na proteksyon.

Bukod sa usapin ng agrarian reform, binigyang-pansin din ni Montemayor ang pangangailangan ng mas agresibong paghahanda laban sa epekto ng El Niño, partikular sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa kanya, hindi sapat ang mga pahayag at plano lamang. Kinakailangan aniyang magkaroon ng aktuwal na implementasyon ng mga proyekto tulad ng irrigation systems, kabilang ang solar-powered irrigation, upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang kakulangan sa tubig.