Dagupan City – Nanawagan ang Federation of Free Farmers ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa procurement ng Department of Agriculture.

Ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF), ang mga ito ay kaugnay sa bidding awarding procurement distribution ng mga kagamitan at suplay na ipinagkakaloob sa mga magsasaka.

Aniya kabilang sa mga proyektong sinasabing may anomalya ang pagbili ng mga traktor, abono, at mga binhi ng palay at iba pang pananim.

--Ads--

Aniya, may mga pagkakataong nagkakaroon umano ng iregularidad sa proseso ng procurement.

Partikular na tinukoy ni Montemayor ang umano’y paglalagay ng mga specifications sa mga produkto na tila pinapaboran ang ilang partikular na supplier.

Dahil dito, may mga interesadong kumpanya na hindi na umano nakakasali sa bidding, na nagreresulta sa pagiging “lopsided” o hindi patas ng proseso.

Inihalintulad din niya ang sitwasyon sa mga naunang isyu ng anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan may mga alegasyon ng sabwatan sa pagitan ng matataas na opisyal at kanilang mga posibleng kasamahan.

Dahil umano aniya sa mga nasabing iregularidad, nababawasan ang pondong direktang napupunta sa sektor ng agrikultura, partikular ang ayuda para sa mga magsasaka.

Bunga nito, naaapektuhan ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa.

Kaugnay nito, hinimok ni Montemayor si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon.

Gayunman, nilinaw niya na hindi sila titigil hangga’t walang napapanagot sa umano’y katiwalian.

Bukas din aniya ang kanilang hanay sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulan upang matiyak ang transparency at pananagutan sa ahensya.