Naglabas ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng reward money na hanggang $25,000 o humigit-kumulang P1.4 million kapalit ng impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan ng isang Pilipinong akusado sa umano’y crimes against children.

Ayon sa FBI Dallas Field Office, si Austin Jan Sy Yatco ay wanted dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online exploitation ng mga menor de edad mula noong 2019 hanggang 2021. Sinasabing bahagi ito ng isang network na gumamit ng gaming at social media platforms para makipag-ugnayan sa mga biktima.

Napag-alaman na inilabas ang federal arrest warrant ni Yatco noong Enero 23, 2026 mula sa United States District Court for the Eastern District of New York. Kabilang sa mga kinakaharap niyang kaso ang conspiracy to produce at conspiracy to receive and distribute child sexual abuse material.

--Ads--

Ayon sa imbestigasyon, konektado umano si Yatco sa isang online group na tinatawag na “Greggy’s Cult,” na iniuugnay sa panghihikayat at pamimilit sa mga menor de edad na gumawa ng mga explicit material na kalauna’y ipinapakalat sa grupo.

Sinabi rin ng mga awtoridad na dating nanirahan si Yatco sa Plano, Texas, ngunit pinaniniwalaang nakatakas na siya mula sa Estados Unidos at posibleng nasa Pilipinas na ngayon.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paghahanap sa akusado.