Dagupan City – Bukas na development para sa sektor ng agrikultura ang mga ipinatutupad na farm-to-market roads (FMR) sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), patuloy na minomonitor ng kanilang grupo ang paggawa ng mga farm-to-market roads upang matiyak na maayos at walang anomalya ang implementasyon nito.
Nakasaad din na nakatakdang makipagpulong ang SINAG, katuwang si Senator Francis “Kiko” Pangilinan, upang masusing mabantayan ang mga proyektong farm-to-market road.
Nauna nang nilinaw ni So na walang nakalaang sapat na pondo ang gobyerno para sa ilang farm-to-market roads, kaya’t napipilitan umanong makipag-usap ang mga ahensya sa mga may-ari ng lupang dadaanan ng kalsada upang maghati sa lupang gagamitin. Gayunman, aminado si So na may mga pagkakataong nadedelay ang proyekto dahil may ilang may-ari ng lupa na mahirap kausapin.
Samantala, inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang isang online portal na layong bantayan ang estado ng mga ipinatatayong farm-to-market roads sa buong bansa at maiwasan ang anumang anomalya sa pagpapatupad ng proyekto.
Ayon pa kay So, mas tutok ngayon ang DA sa pagpapatupad ng farm-to-market roads program, na aniya’y positibong hakbang para sa mga magsasaka.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang farm-to-market roads sa mga magsasaka dahil makababawas ito sa kanilang gastos sa produksyon at magpapabilis sa pagdadala ng ani sa pamilihan.










