Labis na naapektuhan ang mga taniman ng palay dahil sa mga nagdaang bagyo sa bansa.

Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura, nababad sa baha ang mga palay kaya bumagsak ang kalidad nito.

Dahil dito, ang farm gate price ng palay ay nasa pagitan lamang ng P7 hanggang P8 kada kilo.

--Ads--

Bagamat may mga maagang nag-ani, nananatiling mababa pa rin ang presyo ng palay.

Hindi rin umano mabenta ng National Food Authority (NFA) ang kanilang bigas kahit mas mababa pa ang presyo nito kumpara sa merkado.

Dahil dito, iginiit ni So na dapat itaas ang taripa sa imported na bigas upang masolusyunan ang problema sa mababang presyo ng palay.

Aniya, ang makokolektang taripa ay dapat mapunta mismo sa mga magsasaka.

Hindi pa rin umano nakatulong ang pansamantalang pagbabawal sa pag-angkat ng imported na bigas dahil ang mga trader at miller ay bumabase pa rin sa landed cost ng imported na bigas.

Samantala, inaasahan na malaking volume ng palay ang aanihin sa buwan ng Oktubre.

Medyo bumaba rin aniya ang presyo ng baboy, kung saan ito ay nasa P200-P210 kada kilo para sa live weight.

Matatag naman ang presyo ng bangus, na umaabot sa P130 kada kilo. Wala pa ring malalaking pagbabago sa presyo ng mga gulay.