Ipinatupad na sa lungsod ng Dagupan ang Extreme Enhanced Community Quarantine, epektibo kahapon Marso 30.
Sa inilabas na video message ng alkalde, sinibi ni city mayor Hon. Marc Brian Lim, na ang pagsasailalim ng kaniyang nasasakupan sa Extreme Enhanced Community Quarantine ay nangangahulugang magpapatupad pa ng mga karagdagang alintuntunin upang ang naturang syudad ay maprotektahan laban sa Cornavirus Disease 2019 (COVID-19).
Giit din ng alkalde na wala pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang lungsod bagaman may 19 na Patients Under Investigation (PUI) at higit 1,000 naman na ang nakatapos ng 14-day quarantine na siyang nasa maayos na kalagayan.
Kasama rin sa kaniyang pahayag na mayroon na ring nakatalagang isolation center para sa mga umuuwing balik-bayan, at lahat umano ay marapat na sumailalim sa 14-day quarantine period.
Dagdag pa ni Mayor Lim, upang hindi mahirapan ang kaniyang nasasakupang mamalengke sa Downtown ay hinimok ng lokal na pamahalaan ang mga negosyante at local vendors na makibahagi sa kanilang ipinatutupad na satellite markets at rolling stores.
Sa ngayon ay mayroon ng satellite market sa barangay Bolosan, sunod ang barangay Caranglaan ngayong araw ng Martes, Marso 31.
Patuloy pa rin ang paalala ng pamahalaan sa publiko na sundin ang mga alituntuning ipinapatupad nang tuluyan nang mawakasan ang COVID-19.