DAGUPAN, CITY— Hindi magiging madali ang hinihinging extradition ng Estados Unidos kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang nilinaw ni US Immigration lawyer na si Atty. Arnedo Valera.
Aniya magiging mahigpit ang legal na labanan sa pagpresenta ng mga ebidensya para maextradite ang self proclaimed appointed son of God na si Quiboloy.
Dapat ang maipapakitang ebidensya umano ng Amerika ay sasaklaw sa napirmihang kasunduan na pinirmahan nito at ng bansang Pilipinas.
Habang pwede namang mapaisailalim ang maipapakitang ebidensya sa tinatawag na dual criminality na nagtatakda na ang sinasabing krimen sa hinihinging extradition ay dapat na parehong maituturing na isang krimen sa dalawang bansa.
May posibilidad din aniya na humiling ang US ng provisional arrest kay Quiboloy na maaari nilang gawin bago ang kahilingan sa extradition.
Dagdag nito na maraming rin umano na pwedeng magawa ang kampo ni Pastor Quiboloy, kabilang na ang pagkuwestiyon sa mga ihahaing ebidensya ng Amerika para malitis ito.
Samantala tiwala naman ito na magiging patas ang isasagawang hakbang ng Pilipinas kung saan ay nanindigan ang mga awtoridad na kanilang susundin ang mga nalatag ng batas.
Ang US Federal Bureau of Investigation (FBI) noong Enero 31 ay naglathala ng wanted poster para sa pag-aresto kay Quiboloy para sa mga kaso gaya ng sex trafficking at cash smuggling.