DAGUPAN CITY- Nagpapabagal lamang umano sa progreso ng public transportation ang karagdagang extension para sa Public Utility Vehicle Consolidation.
Ayon kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng Busina, dapat na itong tuldukan ng gobyerno dahil hindi naman kagustuhan ng mga unconsolidated na sumunod.
Dahil dito, hindi na napag-aaralan ang mga dapat mangyari para sa Public Transport Modernization Program (PTMP) at Local Public Transport Route Plan (LTPRP).
Naiintindihan man nila ang kagustuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DoTr) na walang maiiwan sa programa, subalit nananatili pa rin ang problemang kinakaharap ng programa.
Sa tingin naman ni Dela Cruz, kung wawakasan na ang extension ay maaaring dito na talaga magbago ang isip ng mga tumututol.
Oras na rin para masulosyonan ang agawan ng iba’t ibang public transportation sa masikip na daanan dahil sa walang maayos na ruta.
Hiling na lamang nila na lapitan sila ng mga nasabing ahensya upang makatulong sila sa pagpapabilis ng LTPRP dahil sila mismo ang may sapat na karanasan sa daan.
Maliban pa riyan, dapat mas pakinggan pa ng kinauukulan ang mga sumunod sa programa dahil handa silang tumulong para maghatid ng solusyon sa mga problema.
At kung hahayaan ito, maaaring mauwi lamang sa kapalpakan ang programa ng gobyerno para sa transportasyon dahil magkakapatong-patong na rin ang kanilang bayarin.
Gayunpaman, hindi nila balak na magsagawa ng welga hinggil sa muling pagbubukas ng extension dahil pakikipagdayalogo ang kanilang ninanais.