Patuloy na umiiral at ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Bayan ng Manaoag ang Executive Order (EO) na nagbabawal sa pagpapatable ng mga babae bilang Guest Relation Officer (GRO) sa mga restobar at entertainment establishment.
Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na ang hakbang ay alinsunod sa pagpapanatili ng “wholesome o disente” na imahe ng bayan, lalo’t itinuturing itong “Blessing Capital of the Philippines” dahil sa sikat na Minor Basilica of Our Lady of Manaoag dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Saad nito na hindi lamang ito tungkol sa pagsugpo sa posibleng pagsasamantala sa kababaihan kundi pati na rin sa paghahanda sa darating na ika-100 taong anibersaryo ng Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag (Apo Baket) sa Abril 2026.
Sa ilalim ng EO, mahigpit na binabantayan ng kapulisan at lokal na tanggapan ang limang restobar o videoke bars sa bayan upang siguruhing walang nagaganap na paglabag.
Inirerekomenda rin ng pamahalaan na “iconvert” na lamang ang mga ito sa mga restaurant na angkop sa patuloy na pagdagsa ng turista.
Ayon sa ulat ng LGU, wala pang naitalang paglabag o reklamo mula nang ipatupad ang regulasyon habang hindi na aniya nadaragdagan ng mga bagong umuusbong o itinatayong bar sa bayan.
Bukos dito, layon din nito na bigyang-diin ang pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan, partikular ang pag-iwas sa pagkalat ng HIV/AIDS at iba pang sexually transmitted infections (STIs) na maaaring dulot ng risky behaviors.
Kasabay nito, pinatitibay ang adhikain ng bayan na itaas ang antas ng lokal na turismo sa pamamagitan ng relihiyoso at kultural na mga aktibidad.
Hinimok ni Mayor Rosario ang lahat na makipagtulungan dahil ang tagumpay nito ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan kundi ng bawat Manaoagueño.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda ng bayan para sa malawakang pagdiriwang sa 2026 kung saan inaasahang dagdagsain ito ng daan-libong o milyong deboto at bisita sa ilang panig ng bansa.